Friday, May 17, 2013

Linggo ng Pentekostes


"Nadagdag sa kanila ang may 3,000 tao nang araw na iyon. Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin." Gawa 2:41-42

"Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa templo, nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang tahanan, at nagsasalu-salong masaya ang kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng tao. Bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas." Gawa 2:46-47

*********
Sa mga tala ng Banal na Kasulatan, ang isang naging bunga ng pagdating ng Espiritu Santo ay ang paglaganap ng pananampalataya kay Kristo; ang pagdami ng mga mananampalataya.

Narito na agad ang matinding tanong at hamon sa atin, mga makabagong Kristiyano:
- bakit, ayon sa tala ng ilang eksperto, dumarami ang tumatalikod sa Simbahan o tumatalikod sa pananampalataya? Bakit tinatamad ang mga Kristiyano pagdating sa mga gawain kaugnay ng pananampalataya?

Iniwan na ba tayo ng Espiritung Banal? Hindi na ba natin taglay ang Kanyang biyaya at pamamatnubay?

Nakatitiyak akong hindi ang Espiritu Santo ang dapat sisihin sa ganitong pangyayari; sapagkat ang bisa ng patnubay ng Espiritu Santo ay katumbas ng pag-ibig ng Diyos -- walang hanggan. Bagkus tingnan natin ang pagkukulang sa panig nating mga tao.

Napapabayaan sa ting mga pamayanan ang paglaganap ng mga paraan ng pamumuhay na salungat sa ating tawag bilang mga Kristiyano. Nakikita pa ba sa atin ang diwa ng pananatili sa itinuro ng mga apostol, ang pagsasama-sama bilang magkakapatid, ang pagsasalu-salong masaya ang kalooban? Inilalaan ba natin ang ating sarili sa layuning ipalaganap ang Kaharian ng Diyos?

Magtatagumpay lamang ang pagsusumikap na ipalaganap ang paghahari ng Diyos kung ang Banal na Espiritu ay nananahan sa puso ng mga tao, ng mga Kristiyano. Ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes ay hindi lamang ang paggunita sa pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga Apostol, kundi ang pagtatanto natin, na ang Espiritung ito ay taglay din natin sa ting mga puso, at tinatawagan tayong kumilos ayon sa kanyang paggabay.

(Pagninilay halaw sa aklat ni Adolf Adam: The Key to Faith)

No comments:

Post a Comment