Friday, December 30, 2011

Langit o Impyerno: Kaligtasan o Kapahamakan (Nasa impyerno daw si Pope John Paul II?)

Nito lamang mga nagdaang araw, ako, inyong abang lingkod, ay naanyayahan magsalita sa isang pagtitipon, isang ‘rekoleksyon’ ng isang pangkat ng mga kabataang hinuhubog bilang mga lingkod ng Simbahan. At sa aking pagkagulat at pagtataka, isang bata ang tila ba ibig humamon sa aking ipinangangaral. Mangyari ay nakarating pala sa batang ito ang ilang bagay na kumakalat sa “internet,” lalo na ang isang pangitain daw ng isang pinagpalang babae na ang aming pinagpipitaganang yumaong Santo Papa, Beato Juan Pablo Ikalawa, ay napapasa-apoy ng impyerno, kasama ng ilan pang kilalang mga tao. Akin ding napag-alaman na ang batang ito, ay nasa paunang yugto na ng paglipat ng pananampalataya mula sa pagiging isang Katoliko, tungo sa isang sekta ng mga Protestanteng isinilang daw mag-uli.

At tila ba hindi pa sapat ang mga pagsabat at mga pasaring ng batang ito habang ako’y nagbibigay ng panayam, anupat sa pagitan ng panayam, habang ako’y kumakain ng “Sandwich” at umiinom ng malamig na “Coke,” ako ay atubiling nilapitan ng bata at tinanong tungkol sa mga bagay na ito. Ang katotohanan ay kulang ang aking kaalaman upang sagutin siya. Ni hindi ko pa nakita ang paksang iyon sa “internet” sapagkat sa aking pakiwari, ni hindi ko dapat pag-aksayahan ng panahon ang gayong usapin. Kaya’t ang nasabi ko na lamang sa batang nagtatanog ay ganito:
“Pag-aralan mo na lang ang buhay ni ‘Pope John Paul II,’ tingnan mo din sa internet; tingnan mo kung ano ang naging buhay niya, ano ang mga nagawa niya, at saka mo na lang din isipin; sa akin kasing pagbabasa, ang aking pakiwari ay, si Juan Pablo II ay isang napakabuting tao; kaya ikaw na din ang tatanungin ko: sa tingin mo ba ang isang mabuting taong tulad niya ay sa impyerno mapupunta?”
Umalis ang bata. Hindi ko alam kung napahiya ba siya. Hindi ko alam kung naging masungit ba ang dating ko sa kanya na tila ayaw malapitan o makausap; bagamat sa aking sarili, gusto ko din talagang magtanong pa siya, upang sa abot ng aking makakaya mabigyan ko siya ng paliwanag. Ngunit sa muling pagsisimula ng ikalawa at huling bahagi ng aming panayam, mukha namang mas naging interesado na isyang making. Sa akin ay isa itong magandang tanda, bagamat hindi ko na nakadaupang palad muli ang nasabing bata.

Ngayon sa aking pagbabalik-tanaw, ako’y umaasa na lamang, nananalangin, at nananalig, na sana’y naging sapat ang maigsi kong tugon upang siya’y maliwanagan; at kung hindi man ay mas magsaliklik siya at magtanong upang maakay sa wastong landas.

Sa ganang akin, totoo at tama naman ang kaunti kong nasabi. Hindi na muna tayo daraan sa masalimuot na pagsasaliksik sa Banal na Kasulatan, o kaya’y sa pagtatalo at pagtalakay sa masakit sa ulong mga nilalaman ng mga Katuruan ng Simbahan. Ang aking paanyaya’y tingnan na lang muna natin ang buhay at gawa ng taong hinuhusgahan – ang yumaong Papa Juan Pablo. At kaunti lang din ang nais kong idagdag at banggitin, hindi ko naman siguro kailangang ilahad ang kanyang buong talambuhay.

Sa aking pagkakaalam, bagamat kailangan ko pa din itong salilksikin ng mas maigi, may tala si Papa Juan Pablo II, na bumababa, kung hindi man panandaliang naglalaho, ang bilang ng mga krimen sa mga bansang kanyang dinadalaw. Para bang ipinahihiwatig na ang kabutihan, kabanalan, at kadakilaan niya bilang isang pinuno ay nakahahawa sa mga tao upang hindi man sila gumawa ng mabuti, ay mawaglit sa kanilang isip ang gumawa ng masama.

Isa siyang tunay na daan ng kapayapaan. Sa kanyang panahon naganap ang makasaysayang pagsira sa “Berlin Wall” ang pader na humahati hindi lamang sa anyong lupa ng bansang Aleman, kundi naghahati rin sa mga taong kaninirahan dito at sumasagisag sa paghahari ng Komunismo sa naturang bansa. Ang pagsira sa”Berlin Wall” ay tanda ng muling pagkakaisa ng bansang “Germany” at ng pasimula ng bagong yugto ng kapayapaan dito. Muli, ito’y patunay ni si Juan Pablo II ay daan ng kapayapaan. Paumanhin, sinabi kong hindi tayo daraan sa pagsasaliksik sa Banal na Kasulatan, ngunit hayaan nyo na ring banggitin ko ito = Mateo 5:9 “Mapalad ang gumagawa ng daan para sa kapayapaan, sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.”

Saksi ang buong mundo sa dami ng mga pinuno ng mga bansa, pati pinuno ng iba’t ibang mga relihiyon at mga sekta na nanggaling sa iba’t ibang panig ng mundo, upang saksihan ang libing ng butihing Papa Juan Pablo at maglaan ng huling paggalang at pamamaalam sa kanya. Isa na namang patunay kung gaanong kinikilala ng napakaraming tao, Katoliko at hindi, kahit mga pinuno ng mga sektang Protestante, pati na mga pinunong Muslim, ang kabutihang loob ni Juan Pablo.

Kaya’t sa pagwawakas sasambitin ko na lang muli ang aking tanong at ilang pahayag: Sa impyerno nga kaya naparoon ang kaluluwa ni Juan Pablo? Mas kapani-paniwala kaya ang pangitain ng isang babaeng ni hindi ko matandaan ang pangalan hanggang ngayon, kaysa sa pagsaksi ni Juan Pablo sa kadakilaan, kabutihan at awa ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang buhay?
Alin ang paniniwalaan mo, ang “tunay ng buhay” ni Juan Pablo, o ang “panaginip” ng babaeng ito?



**************************
Ilang karagdagan:

Kung ako man ang ilagay mo sa katatayuan ng isang pinuno ng isang Relihiyon, ni hindi ko huhusgahang mapapasa-impyerno ang sinumang pinuno ng ibang Relihiyon. Muli, isasantabi muna natin ang usapin kong sino o aling relihiyon ba ang tama. (Bagamat marami rin tayong maaring tingnan o talakaying patunay na ang tinanggap na ‘aral’ ng Simbahang Katoliko ang wasto = ang ‘turo’ na iningatan at ipinamana at ipinasa mula pa sa panahon ng mga Apostol hanggang sa ngayon sa panahon ng mga humalili sa kanila)
Masasabi naman siguro natin, na ang lahat ng Relihiyon ay nakasandig sa ilang pangkalahatang paksa, gaya ng pagtahak sa kabanalan, pagtuturo sa paggawa ng kabutihan, kagandahang-asal, pakikitungo sa kapwa, atbp. At sa ganitong diwa silang mga pinunong nagtuturo ng kabutihan ay maaring maligtas. Sapagkat ang Mahabaging Diyos ay magpapala na “sinuman na may tapat na hangaring Siya ay makilala at paglingkuran, at tumutupad sa Kanyang Kalooban ayon sa bulong ng kanilang konsiyensiya, kung hindi naman nila sinasadya ay kinulang sa kaalaman tungkol kay Kristo at sa kanyang Iglesia (Iglesia Katolika) – sila man ay maaaring maligtas. (tingnan ang dokumento ng Vatican II – Lumen Gentium no. 16 )


Kapayapaan, hindi pagkaka-watak-watak;
Kapayapaan sa mga taong kinalulugdan ng Diyos.

No comments:

Post a Comment