Noong isang araw, sa pagsakay ko ng jeep na byaheng Meycauayan via NLEX sa Bocaue, natapatan na nakikipagtawaran ang isang pasahero sa driver. Mangyari kasi ay, kahit gaano katagal ang abutin, (na minsan ay inaabot ng mahigit isang oras) hinihintay talgang mapuno ang jeep dito bago ibiyahe. Kaya nakikiusap ang ale, "sige na kuya, 200.00 ibabayad ko, ibiyahe muna, male-late na 'ko sa Banal na Hapunan namin e." Ayaw nga lang pumayag ng driver: "Lugi ako sa ganoon, ang dami pang kulang nito." Hanggan sa may sumakay na mag-asawa (mag-asawa nga kaya sila?) na may kasamang apat o limang bata. Sinabi ng driver: "Sige ho, 200.00 biyahe na tayo." Nag-atubili naman ang ale: "Hindi na ho. E andami ng sumakay e." "Eh hindi pa po tayo makakabiyahe niyan, pupunuin pa po ito," sagot ng driver. Tumawad uli ang ale: "pamasahe ng limang pasahero na lang ang babayaran ko, marami naman nang sakay." Sumagot ang driver: "hindi ho pwede, lugi ako," at nagbilang "Walo pa po kulang nito e." Natahimik ang ale, nag-iisip at halatang nababalisa na at nagparinig: "Wala na, hindi na ako aabot sa Banal na Hapunan nito, magbibihis pa ako e. Ang tagal p siguro bago mapuno ito" Tumawad ang driver: "150 po, ibibiyahe na natin." Nag-isip saglit ang ale, at sumagot, "sige po, 150, maibiyahe lang, eto ang bayad."
Sa totoo lang, sa isang banda ay nainis ako sa tagpong ito, para kasing si Mirriam 'yung ale (medyo masakit sa tenga ang boses) at parang ako is Atty. Vitalliano ba 'yun, kaya naglagay ako ng earphones at nagpatugtog sa aking cellphone. Pero sa kabilang banda, ay natuwa na rin ako. Ipinakita kasi nag aleng ito na handa talaga siyang gagawa siya ng paraan, kahit mapa-gastos ng medyo malaki, (hindi naman siya mukhang mayaman) para masigurong umabot siya sa kanilang "Banal na Hapunan." Nakapanghihinayang na 'din at hindi siya Katoliko. Sana lang marami ding ganitong Katoliko, handang magbigay ng "extra-effort" para makadalo sa Hapag ng Panginoon. Sana nga...